BAWAL ANG SINGLE | Mga senador, kaniya-kaniyang reaksyon sa naging pasya na ituloy ang HOV policy

Manila, Philippines – Iba’t-iba ang naging reaksyon ngayon ng mga senador sa naging pasya ng Metro Manila Council (MMC) na ituloy ang pagsasagawa ng dry-run sa High Occupancy Vehicle (HOV) policy na nagbabawal sa mga single-occupant vehicles sa EDSA kapag rush hour.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, bahala na daw ang MMC at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagpapasya pero dapat ay idaan ito sa Senado para idepensa ang kanilang budget.

Sinabi pa ni Sotto na kung ayaw kilalanin ng MMDA at MMC Ang senate resolution ay hintayin na lamang nila kung makapapasa ang kanilang budget sa committee on finance.


Samantala, welcome naman para kay Minority Leader Franklin Drilon ang naging desisyon ng MMDA.

Iginiit naman nina Senate Pro-Tempore Ralph Recto at Senator Joseph Victor Ejercito na dapat daw ay mas pagtuunan na lamang ng pansin ng MMDA ang pag-promote ng carpooling.

Plano din ni Senator Juan Edgardo Angara na oobserbahan ang pagpapatupad ng dry-run dahil maari daw itong magpahirap sa mga motorista pero pwede din namang makatulong.

Nabatid na ang Senate Resolution 845 ay inilabas ng Senado para hikayatin ang MMDA at MMC na suspindihin ang ban sa driver-only vehicles sa EDSA at sa halip ay magsagawa muna ng public consultation o hearing bago ito ipatupad.

Facebook Comments