Manila, Philippines – Bilang pagtupad sa kanyang mga nauna nang pahayag sa kanyang mga talumpati ay ipinagutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabawal sa lahat ng tanggapan ng Pamahalaan sa ilalim ng Executive Department sa pagbili ng mga mamahaling sasakyan.
Ang kautusang ito ay sasakop sa lahat ng departamento ng Pamahalaan, Government Owned and Controlled Corporations, Government Financial Institutions, State Universities and Colleges at mga Lokal na Pamahalaan.
Sa Administrative Order number 14 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong December 10 ay pinagbabawal na ang pagbili ng mga service vehicles ng mga taga gobyerno na maituturing na luxury vehicles.
Partikular dito ang mga Asian Utility Vehicle, Cross-Over Utility Vehicle at Multi-Purpose Vehicles na gumagamit ng gasoline o Diesel engine may mahigit 4 cylinders.
Kasama din sa ipinagbabawal na bilhin ay ang mga Sports Utility Vehicles na lalampas sa 2.7 CC Displacement.
Layon nitong makatipid ang Pamahalaan sa mga gastusin sa gasolina at sa presyo ng mga sasakyan.
Hindi naman kasama dito ang mga sasakyang gagamitin ng Presidente, Bise Presidente at mga Foreign Dignitaries na bibisita sa bansa at kasama din dito ang mga sasakyang idodonate sa pamahalaan at ang mga mabibili gamit ang pondo mula sa kasalukuyang Official Development Assistance Program.