Ipinagbawal na ng gobyerno ang pag-swimming sa dalawang beach sa Panglao, Bohol at El Nido, Palawan.
Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, pansamanta munang hindi papayagan ang mga turista na mag-swimming sa Alona beach sa Panglao Island at sa Buena Suerte beach sa El Nido dahil sa mataas na “coliform level.”
Nabatid na ang coliform levels sa lugar ay lampas sa acceptable coliform count na 100 most probable number.
Dagdag pa ni Puyat, ang ban sa nasabing mga beach ay ipapatupad hanggang maging acceptable ang coliform levels kung saan bahagi din ito ng isinasagawang rehabilitasyon ng El Nido at Panglao.
Layon ng naturang hakbang ay para maprotektahan ang kalusugan ng mga turista.
Bukod dito, sinabihan na din nina DENR Secretary Roy Cimatu at DILG Secretary Eduardo Año ang mga mayor ng Panglao at El Nido na maglagay ng no swimming sign sa nasabing mga beach.