Nararamdaman na ang pagbawas sa problemang dulot ng pandemya.
Pahayag ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa harap ng pagkilala sa kahalagahang naibigay ng siyensiya para mabawasan ang problemang kinakaharap tungkol sa COVID-19.
Ayon sa pangulo, science ang dahilan kung bakit nakatawid ang bansa sa pandemya at sa pamamagitan nito’y nakalikha ng bakuna na nagsilbing pangontra sa virus.
Binigyang diin ng punong ehekutibo na siyensiya ang patuloy na makapagbibigay ng kasagutan sa anumang maaari pang dumating lalo’t science and technology na ang tinatahak ng mundo sa kasalukuyan.
Natutuwa ang pangulo dahil nakakadalo na siya sa mga pagtitipon gaya ng mga aktibidad na kanyang pinupuntahan sa mga nagdaan at pinangungunahan pa matapos ang mga ipinatupad na lockdown noong kasagsagan ng pandemya.