Iginiit ni Bayan Muna Partylist Rep. Ferdinand Gaite na mas malaki pa sana ang bawas sa singil sa kuryente ngayong buwan ng Mayo.
Kasunod na rin ito ng 12 centavo per kWh na bawas sa singil sa kuryente ng Meralco ngayong buwan bunsod na rin ng kautusan ng Energy Regulatory Commission o ERC na ibalik ng kompanya ang sobrang singil mula 2012 hanggang 2015.
Ayon kay Gaite, dapat ay mas malaki pa ang ibinawas sa singil sa kuryente kung hindi lamang itinaas ang power generation charge ng Independent Power Producers (IPP), wholesale electricity spot market (WESM) at ng power supply agreements.
Kung walang pagtaas sa power generation charge, posibleng nasa 47 centavo per kWh ang tapyas sa singil sa kuryente.
Aabot naman sa 35 centavo ang increase sa generation charge.
Magkagayunman, welcome pa rin sa kongresista ang pagbaba sa singil sa kuryente sa gitna pa rin ng nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo.