Manila, Philippines – Tiniyak ngayon ng MTPB at MMDA na tuloy-tuloy ang kanilang gagawing clearing operations sa iba’t-ibang mga lugar sa lungsod ng Maynila upang tanggalin ang mga sagabal sa mga lansangan para mapaluwag ang daloy ng trapiko sa lungsod.
Ayon kay MMDA Head Clearing Operation Bong Nebrija, kaagapay nila ang MTPB na pinamunuan ni Dennis Ibona upang alisin ang mga illegal terminal ng tricycle at pampasaherong jeep kasama na ang mga illegal vendor at iba pang sagabal sa mga pangunahing lansangan sa Maynila.
Sinuyod ng MMDA at MTPB ang kahabaan ng Abad Santos at Hermosa sa Tondo, Maynila kung saan maraming mga tricycle at pampasaherong jeep na nakaparada sa sidewalk at iba pa. Hinatak din maging ang mga paninda ng mga illegal na vendor.
Dagdag ni Nebrija na hindi sila titigil sa isinasagawang clearing operation sa Kamaynilaan hangga’t may mga sagabal sa daloy ng mga motorista partikular sa daanan ng mga tao sa mga bangketa.