Manila, Philippines – Iginiit ni Committee on Health and Demography Chairman Senator JV Ejercito sa pamahalaan ang paglalagay ng kahit isang nurse sa bawa’t barangay health center sa buong bansa upang magamot agad ang mga may pangkaraniwang sakit at hindi na kailangan pang dalhin sa ospital.
Dagdag pa ni Ejericito, ang mga nurse na itatalaga sa bawa’t Barangay Health Center ay magsasagawa din ng malawakang information dissemination campaign sa tulong ng mga opisyal ng barangay.
Ito ay upang ituro sa mga tao ang kahalagahan ng pagiging malusog, malinis hindi lamang sa kanilang sarili kundi na rin sa kanilang kapaligiran.
Tungkulin din nilang i-assess ang kasalukuyang health status ng mga residente sa mga komunidad para ma-coordinate ito sa Department of Health para sa kaukulang hakbang.
Dagdag pa ni Ejercito, isang hakbang din ito upang mabigyan ng trabaho ang malaking bilang ng jobless nurses sa bansa at mabawasan ang lumalaking bilang ng mga unemployed at under employed nurses.
Tinukoy ni Ejercito na base sa records ng Professional Regulation Commission, nasa mahigit sa 300,000 Filipino nurses ang walang trabaho sa kasalukuyan.