*Ilagan City, Isabela- *Maibibigay na ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) Region 2 ang indemnity o bayad-pinsala sa mahigit kumulang 700 na magsasaka mula sa iba’t-ibang lugar sa Lalawigan ng Isabela.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Ginoong Romy Santos, media consultant ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela matapos tamaan ng mga nagdaang bagyo ang kanilang mga pananim noong taong 2018.
Ayon kay Ginoong Santos, nakapagbayad na ang pamunuan ng PCIC RO2 sa pamumuno ni Regional Manager Edna SP. Marallag ng mahigit 3 Milyon pesos para sa kabuuang insurance na ibibigay sa mga kwalipikadong magsasaka na naka-insure sa PCIC.
Natagalan lamang umano ang pagbibigay ng indemnity sa mga naapektuhang magsasaka dahil tinutukan at sinuri umano nila ng mabuti ang mga nag-claim ng insurance.
Nilinaw pa ni Ginoong Santos na mayroong ibibigay na schedule ang Provincial Gov’t ng Isabela at PCIC para sa pamimigay ng tseke sa mga magsasaka na makakatanggap ng kanilang bayad pinsala.