Saturday, April 4, 2026

Patuloy na pananahimik ng civil society groups at ng administrasyon sa bilyun-bilyong korupsyon sa pamahalaan, inupakan ni VP Sara Duterte

Inupakan ni Vice President Sara Duterte ang aniya’y nakakabinging katahimikan ng civil society groups, religious leaders at ng mga mambabatas sa sunud-sunud na nabubunyag na mga katiwalian sa pamahalaan.

Ayon kay VP Sara, kung noon ay mabilis na naglalabas ng saloobin ang naturang mga grupo sa isyu ng moralidad, tila nakapagtataka aniya ang pananahimik ng mga ito.

Inupakan din ng pangalawang pangulo ang aniya’y kawalan ng interes ng kasalukuyang administrasyon na imbestigasyon ang katotohanan sa bilyun-bilyong suhol kaugnay ng flood control, sinasabing suhulan sa International Criminal Court at sa impeachment efforts laban sa kanya.

Ito ay habang ginagawang sentro ng mga pagdinig, privilege speeches, at walang humpay na fishing expeditions laban sa kanya.

Iginiit ni VP Sara na hindi dapat selective ang galit sa isyu ng katiwalian at hindi maaaring piliin lamang kung sino ang iimbestigahan.

Ang pera ng bayan ay hindi aniya dapat inilalagay sa maleta, at ang katotohanan ay hindi dapat inilalagay sa katahimikan.

Muli namang hinangaan ni VP Sara ang katapangan ng mga naging security personnel ni dating Congressman Zaldy Co na nagbunyag sa sinasabing paghahatid nila ng male-maletang pera na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong pisong pondo ng pamahalaan.

Facebook Comments