Bayad sa upa ng bahay at tindahan o pwesto, hiniling na ihinto muna habang may lockdown

Nanawagan si Deputy Speaker at 1-PACMAN Partylist Representative Mikee Romero sa Department of Human Settlements and Urban Development at sa Local Government Unit (LGU) na ipag-utos muna sa mga residential at business rentals na ipagpaliban ang paniningil ng kanilang mga renta.

Ayon kay Romero, dapat na atasan ang mga may-ari at nagpapaupa ng mga residential at mga business establishments na huwag munang maningil ngayong panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) nang sa gayon ay makapagfocus ang bawat pamilya at mga negosyante sa kanilang mga pangangailangang pangkalusugan at sa pagkain.

Hiniling ng kongresista na gawing tatlo hanggang apat na buwan ang deferment sa bayad sa mga renta ng upa sa bahay at sa mga pwesto o tindahan para may panahon na makabawi ang mga ito sa mga panahon na nasa ilalim ng ECQ ang buong Luzon.


Giit ng mambabatas, makatwiran ang hiling na ito dahil maraming mga ordinaryong manggagawa ang hindi makapasok sa trabaho, nawalan ng hanapbuhay, o hindi naman kaya ay arawan ang sahod.

Bukod dito, marami ring tindahan, maliit man o malaking negosyo ang nagsara muna ngayon sa gitna ng ipinapatupad na lockdown sa Luzon.

Facebook Comments