Bayan Muna, hinamon sina Pangulong Duterte at cabinet officials na ilabas ang kanilang mga SALN

Hinamon ni Bayan Muna Rep. Carlos Zarate si Pangulong Rodrigo Duterte maging ang mga cabinet officials nito na ilabas ang kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Kasunod ito ng pagsusuri ng tinatawag na “Pandora Papers,” sa umano’y nag-leak na financial records ng mga politiko, businessmen at celebrities sa buong mundo.

Ayon kay Zarate, dapat ilabas ni Pangulong Duterte at ng kaniyang buong gabinete ang kanilang mga SALN para patunayan na hindi sila nagpayaman habang nasa posisyon o mayroong tinatagong yaman.


Kaugnay naman sa pag-amin ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade na hindi naideklara ang kaniyang kayamanan, sinabi ni Zarate na dapat ay lumagda rin ang mga politiko ng waiver para masuri ang kanilang mga SALN.

Noong 2017 huling inilabas ni Pangulong Duterte ang SALN nito sa pagdedeklara ng kaniyang net worth na aabot sa P28.5 million.

Sa kabila naman ng mga panawagan, hindi na ito nangyari nitong 2018 at 2019.

Facebook Comments