Hinamon ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate si Pangulong Rodrigo Duterte na ikonsidera ang pagpapatuloy sa usapang pangkapayapaan.
Ito ay kasunod na rin ng pagsuporta ni Zarate sa panukala ni Senator Panfilo Lacson na i-criminalize ang red-tagging at ang panawagan para sa pagpapatuloy ng GRP-NDFP peacetalks.
Ayon kay Zarate, dapat na ikonsidera ng Pangulo ang oportunidad para sa pagbabalik ng usapang pangkapayaaan upang resolbahin ang ugat ng limang dekadang problema sa armed-conflict sa bansa.
Sang-ayon din ang kongresista na i-criminalize ang red-tagging lalo na sa mga opisyal at empleyado na gumagamit ng pondo at resources ng pamahalaan laban sa mga kritiko.
Giit ng kongresista, ang pondo at resources ng pamahalaan ay dapat nagagamit para sa pagpapaunlad ng buhay ng mga Pilipino at hindi para atakihin ang mga kritiko sa pamamagitan ng mga malisyosong impormasyon at mga alegasyon na wala namang matibay na ebidensya.
Samantala, minaliit naman ng mambabatas ang panawagan ng ilang grupo na imbestigahan ng Ethics Committee ng Kamara ang Makabayan Bloc.
Bukod sa paulit-ulit na lamang ang mga pagkwestyon sa kanila ay wala ring maipakitang ebidensya kaya naman hindi na nagtataka ang kongresista na gagawin talaga ng gobyerno ang lahat ng paraan para madiskwalipika sila sa 2022 elections at tuluyan nang matanggal sa Kongreso.