Cauayan City, Isabela- Isasailalim sa sampung (10) araw na (MECQ) ang bayan ng Baggao sa Cagayan simula bukas, Enero 21 hanggang Enero 30.
Ito ay matapos hindi aprubahan ang unang kahilingan ng LGU na maipasailalim sa ECQ ang bayan kaya’t inirekomenda ng Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) ang pagsasailalim nalang sa MECQ.
Kaugnay ito ng pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 kung saan karamihan ay local transmission.
Batay sa tala ng LGU Baggao, labing-tatlong (13) barangay na ang apektado ngayon ng pagkalat ng sakit na kinabibilangan ng mga barangay Dalla, Tallang, Remus, Santor, San Jose, Agyaman Proper, Sta. Margarita, Micah, Barsat East, Taguing, Hacienda Intal, Bitag Grande at Alba.
Pumalo naman sa 137 cumulative confirmed cases kung saan nananatili nalang sa 65 ang aktibong kaso nito.
Ipatutupad rin ang curfew hours simula alas-7:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga habang umiiral ang MECQ, gayundin ang pagbabawal sa angkas sa motorsiklo kahit na miyembro pa ito ng pamilya.
Samantala, hiniling naman ng LGU Baggao sa DOH region 2 ang dagdag na test kit para magamit sa pagsasagawa ng pagsusuri kontra COVID-19.
Pinapayuhan naman ng lokal na pamahalaan ang publiko na sundin ang mahigpit na implementasyon ng kautusan para makaiwas sa hawaan ng virus.