Bayan ng Baggao na Tinumbok ng Bagyong Ompong, Walang Naitalang Casualty!

Tuguegarao City- Masuwerteng walang naitalang casualty sa bayan ng Baggao Cagayan matapos itong tumbukin ng bagyong Ompong sa pananalasa nito sa Rehiyon.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Cagayan Board Member Christopher Barcena sa naging panayam ng RMN Cauayan sa kanya kanina, September 16 2018.

Aniya ay may mga ilan pa umanong indibidwal ang nasa mga evacuation center parin mula sa naturang bayan dahil umano sa wala silang masilungan dahil sa hagupin at pinsalang idinulot nito sa mga kabahayan at pananim ng mga residente.


Aminado naman ang Board Member na malaki ang epekto ng pananalasa ng bagyo sa kabuhayan ng marami kaya’t aniya ay sa lalong madali ay mamimigay sila ng ayuda sa mga nasalanta ng bagyong Ompong.

Dagdag pa nito ay maaari naman na umanong madaanan ang mga pangunahing tulay sa naturang bayan na nalubog sa baha dahil sa bumaba na rin umano ang lebel ng tubig dito.

Samantala, umaasa naman ang naturang Board Member na aaksyunan agad ng CAGELCO ang suplay ng kuryente sa naturang bayan dahil aniya ay madami umanong mga OFW na mula roon ang nagtatanong nagtatanong sa kanilang tanggapan hinggil sa kalagayan ng kaanak mga ito.

Facebook Comments