Cabagan, Isabela- Kinumpirma ni PNP Cabagan Deputy Chief of Police Pablo Tumbali na ang kanilang bayan umano ay isa sa maituturing na tahimik na bayan sa lalawigan ng Isabela.
Ito ang kanyang ibinahaging impormasyon sa naging panayam ng RMN Cauayan sa programang Sentro Serbisyo kahapon mayo 19, 2018.
Aniya, ang PNP Cabagan umano ay nakapagpasuko na din ng 426 na Drug Identified at 212 dito ay sumailalim na din umano sa Community Based Rehabilitation Program (CBRP) noong nakaraang taon samantalang ang nalalabing bilang ay nakatakda namang sumailalim sa CBRP sa ikalawang session.
Dagdag pa niya, sa patuloy umanong pagbabantay ng PNP Cabagan sa kanilang bayan ay may dalawa pa umano silang nahuli na may kinalaman sa iligal na droga nito lamang nakaraang lingo habang dalawang katao pa ang kanilang natimbog sa Illegal logging kung saan ay nasampahan na ng kanilang kaukulang kaso at kinumpiska ng PNP Cabagan ang mga narekober na sawn lumbers.
Bukod pa rito ay may mga nahuhuli din umano silang ilang mga kababaihang nagnanakaw sa mga establishimento sa kanilang bayan at isa sa pangunahing problema lamang umano ay ang mga insidente ng banggaan sa mga lansangan sa kanilang bayan kung saan karamihan sa mga sangkot ay ang mga kabataan at mga lasing na walang disiplina sa pagmamaneho.
Samantala, Nanawagan naman si PSI Tumbali sa mga magulang ng mga kabataang nagmamaneho ng mga motorsiklo na gabayan at bantayan nalamang umano nila ang kanilang anak o kaya ay mas mainam na ihatid nalamang umano sila sa paaralan kaysa magmaneho ng motorsiklo na wala pa sa hustong gulang.