Cauayan City, Isabela- Inaasahan na sa susunod na buwan ay maidedeklara na ng PDEA Region 02 ang bayan ng Cabagan bilang ‘drug cleared municipality’sa Lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Noel Magbitang, hepe ng pulisya, mula sa dalawamput anim (26) na mga barangay na sakop ng Cabagan ay apat lamang dito ang nananatiling drug free barangay habang ang dalawamput dalawa (22) ay apektado ng iligal na droga.
Aniya, nakapagsumite na sa PDEA ng mga kaukulang dokumento ang 22 na mga barangay at inaasahan na mapirmahan at maaprubahan na ito ng ahensya sa lalong madaling panahon.
Sinabi pa ng Hepe na wala na silang nahuhuli na sangkot sa ipinagbabawal na gamot o droga bagay na ipinagpapasalamat naman nito.
Gayunman, patuloy pa rin aniya ang kanilang monitoring at pagpapatupad sa mahigpit na kampanya kontra droga katuwang ang mga BADAC Members para mapanatili at tuluyan nang malinis sa droga ang buong bayan ng Cabagan.