*Cauayan City, Isabela-* Nagdeklara na rin ang Bayan ng Echague, Isabela ng State of Calamity dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng nagpopositibo sa dengue.
Una nang nagdeklara ang Bayan ng Roxas, Isabela dahil rin sa mataas na bilang ng tinamaan ng sakit na dengue.
Batay sa datos ng Echague Municipal Health Office, may kabuuang 319 na ang naitalang kaso mula noong Enero 1 hanggang sa huling buwan ng Hulyo taong kasalukuyan at patuloy pa itong tumataas.
Magsasagawa naman ng malawakang massive clean-up drive at pag spray sa mga lamok ngayong katapusan ng Linggo.
Kaugnay nito, gagamitin ng lokal na pamahalaan ng Echague ang Calamity Fund upang makabili ng larvicides at mga kagamitang pamuksa sa dengue.
Tiniyak naman ng Lokal na Pamahalaan at Municipal Health Office na sapat ang kanilang mga pasilidad at gamot para sa mga pasyenteng tinamaan ng sakit na dengue.
Nagpaalala naman ang LGU sa publiko na ugaliin ang paglilinis sa kapaligiran at tanggalin ang mga bagay na posibleng pamugaran ng lamok na maging sanhi ng sakit na dengue.