Bayan ng Echague, Mayroon na lamang 3 Aktibong Kaso ng COVID-19; Ilang Guidelines Ibinahagi

Cauayan City, Isabela- Tatlong (3) aktibong kaso na lamang ng COVID-19 ang natitira sa bayan ng Echague.

Sa facebook live ni Mayor Francis ‘Kiko’ Dy ng Echague, tatlong COVID-19 cases pa ang kasalukuyan na naitala sa naturang bayan dahil nagnegatibo na sa swab tests ang unang OFW na nagpositibo sa virus.

Kaugnay nito, ibinahagi ni Mayor Kiko Dy ang ilan sa mga guidelines na ipapatupad sa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ).


Aniya, mag-iisyu pa rin ng GCQ at workers pass ang pamahalaang lokal para sa mga walang trabaho at nagtatrabaho.

Kinakailangan aniya na magpakita ng workers pass ang mga nagtatrabaho habang ang mga wala namang trabaho ay GCQ pass at valid ID na maaring gamitin sa araw-araw para sa pagbili ng mga pangunahing pangangailangan.

Nabago na rin ang curfew hour na alas 9:00 ng gabi hanggang alas 5:00 ng umaga mula sa dating oras na alas 8:00 gabi hanggang alas 5:00 ng umaga maliban na lamang sa mga empleyado na late umuwi dahil sa trabaho.

Mahigpit pa rin na ipinagbabawal sa labas ang mga nasa edad 20 pababa at mga senior citizens maliban na lamang kung magtutungo sa simbahan o sa mga aktibidad na pinapayagan ng IATF.

Kung wala aniyang kasama sa bahay ang isang senior citizen ay maaaring makipag uganayan sa mga opisyal ng barangay upang matulungan na makabili ng pangangailangan.

Para naman sa mga magtutungo sa loob ng paaralan ay kinakailangan din na magpakita ng katibayan na kinakailang pumasok sa paaralan gaya ng magpapa-enroll.

Nananatili pa rin ang liqour ban sa buong bayan ng Echague para maiwasan ang pagbiyahe ng mga indibidwal na hindi naman kinakailangan.

Ayon pa kay Mayor Kiko Dy, pinapayagan na dalawa ang sakay ng traysikel kung ito ay emergency case at kung hindi naman ay mahigpit pa rin na ipapatupad ang isang tao na pasahero.

Paalala nito sa mga uuwi sa bayan ng Echague na manggagaling sa mga lugar na may kaso ng COVID-19 ay sasailalim pa rin sa 21-days quarantine sa itinalagang pasilidad ng LGU Echague at kung galing naman sa lugar na walang kaso ng COVID-19 ay sasailalim sa 14-days mandatory quarantine.

Para naman sa mga OFW na uuwi sa bayan ng Echague ay sasailalim pa rin sa mandatory quarantine habang hinihintay ang resulta ng swab test bilang protocol ng provincial government sa lahat ng mga uuwing OFW.

Dagdag pa ng alkalde, kahit naka MGCQ na ang lalawigan ng Isabela ay mananatili pa rin ang mahigpit na pagpapatupad sa mga guidelines at protocols para mapanatili aniya na ligtas at makaiwas sa COVID-19 ang mamamayan ng Echague.

Facebook Comments