Cauayan City, Isabela- Nakapagtala na rin ng kaso ng Delta variant ang mga bayan ng Jones (2) at San Agustin (2) sa Isabela, batay sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH) ngayong araw, Setyembre 6, 2021.
Sa report ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU), ilan pa sa mga lugar sa Isabela na apektado ng pagkakaroon ng Delta variant ay ang bayan ng Aurora kung saan nakapagtala ng isang kaso at Santiago City (2); sa Cagayan naman ay ang bayan ng Solana (1), at Tuguegarao City (2).
Habang nakapagtala rin ang lalawigan ng Nueva Vizcaya na may limang kaso na kinabibilangan ng Bambang (3), Quezon (1) at Bagabag (1).
Kabilang rin ang lalawigan ng Quirino na nakapagtala ng Delta variant na pawang mula lahat sa bayan ng Diffun ang tatlong kaso nito.
Ang mga kasong nabanggit ay pawang mga local cases at lahat ay “fully recovered” o gumaling na sa sakit.
Kaugnay nito, patuloy ang ginagawang contact tracing ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) sa pamamagitan ng kanilang Special Action Team (SAT).