Cauayan City, Isabela- Isasailalim ang bayan ng Ramon sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) with heightened restrictions na magsisimula sa September 10-21, 2021.
Alinsunod ito sa Executive order no. 35 na pirmado ni Mayor Jesus Laddaran.
Inatasan ng alkalde ang paglalagay ng checkpoints sa lahat ng barangay upang masigurong masusunod ang panuntunan sa pag-iwas sa COVID-19.
Ipatutupad naman ang curfew hour mula alas-8:30 ng gabi hanggang alas-4:30 ng umaga habang ipagbabawal ang pag-inom ng nakalalasing na inumin sa mga pampublikong lugar at establisyimento sa buong bayan.
Bukod pa dito, ang mga nasa edad 15 pababa at 65 pataas ay kinakailangan naman manatili sa kani-kanilang bahay.
Mahigpit rin na ipagbabawal ang lahat ng uri ng social gathering maging ang mga indoor gaming at internet cafes ay hindi naman pinayagan na mag-operate habang umiiral ang nasabing kautusan.
Hindi rin ligtas ang mga cafeterias at canteen na mag-alok ng dine-in at ang mga salon at SPA naman ay mananatiling sarado.
Samantala, hindi rin papayagan ang lahat ng uri ng outdoor games at sports subalit ang nakasanayang pagjo-jogging at pagbibisikleta ay papayagan lamang sa bisinidad ng barangay.
Pansamantala rin na magiging sarado ang lahat ng tourist spots/attraction sa bayan para sa mga nais bumisita dito at mananatili namang virtual set-up ang pagdaraos ng religious gatherings
Dagdag pa dito, isang pasahero lamang ang papayagan sa mga pampublikong traysikel sa iisang ruta.
Para naman sa mga biyahero mula sa probinsya at locally stranded individuals, kailangan namang magpresenta ng negative result ng RT-PCR test valid within 72 hours, valid IDs, vaccination card, at health declaration.
Kakailanganin naman na magpresenta ng Certificate of Employment, Company identification card at Health declaration ang mga indibidwal na kabilang sa APOR o Authorized Person Outside Residence.
Patuloy naman ang pagpapaalala ng mga kinauukulan sa publiko na sundin ang umiiral na health protocol para masiguro ang kaligtasan ng bawat isa sa banta ng COVID-19.