BAYAN NG SAN MANUEL NA IDINEKLARANG DRUG-CLEARED, MULING NAKAPAGTALA NG KASO NG ILIGAL NA DROGA

Idineklara na bilang isa sa mga Drug-Free municipality ang bayan ng San Manuel, Isabela, noon pang February 9, 2020, ngunit may ilan parin sa mga mamamayan nito ang sumusubok muling pumasok sa iligal na gawain.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Michael Esteban, hepe ng San Manuel Police Station, sa kabila ng pagkakadeklara ng nasabing bayan bilang Drug-Free Municipality, ay hindi aniya tumigil ang kapulisan at mga otoridad katuwang ang Barangay Drug Abuse Council (BADAC) sa pagpapaigting ng kanilang pagbabantay kontra iligal na droga.

Kaugnay nito, sa pamamagitan ng isinagawang pagbabantay ng mga otoridad ay may dalawang indibidwal mula sa nasabing bayan ang nasakote dahil sa pagbebenta ng iligal na droga.

Naunang nadakip ang isang tulak ng iligal na droga na kinilala bilang si alyas “Jun” , noong ika-12, ng Oktubre taong kasalukuyan; habang ang isa naman ay kinilala bilang si alyas “Egay” , na nadakip nito lamang ika-7 ng Nobyembre, taong kasalukuyan.

Inaresto ang dalawang suspek dahil sa pagbebenta ng mga ito ng ilang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng mga hinihinalang Shabu at tinatayang nagkakahalaga ng nasa P8,500.

Ayon pa kay PMaj. Esteban, hindi aniya nila papayagan pang lumaganap muli ang iligal na droga sa kaniyang nasasakupan kung kaya’t ipagpatuloy nila ang kanilang pagmamasid at pagbabantay upang masugpo ang sinumang mag tangkang magpalaganap muli ng iligal na droga sa nasabing bayan.

Isa pa rin aniya sa patuloy at pangunahing dahilan ng mga nahuhuling indibidwal na may kinalaman sa iligal na gawain ay ang “kahirapan”.

Samantala, sinabi naman ni PMaj. Esteban na hindi aniya katanggap tanggap ang dahilan ng mga suspek dahil maraming nakahandang programa ang gobyerno para sa mga mamamayan nito, tulad ng mga livelihood programs na maaari nilang magamit upang mapagkakitaan.

Facebook Comments