2 SUGATAN SA BANGGAAN NG MOTORSIKLO SA LUNGSOD NG CAUAYAN

Nagpapagaling na ngayon ang dalawang (2) biktimang lulan ng isang motorsiklo matapos itong masalpok ng isa pang rider sa kahabaan ng Roque Street, Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela, nitong ika-13 ng Nobyembre, taong kasalukuyan.

Ayon sa ibinahaging impormasyon ng Cauayan PNP, bandang 9:42 ng gabi nitong linggo nang mangyari ang aksidenteng kinasasangkutan ng isang (1) Yamaha Nmax, at isang (1) Euro Motorcycle.

Kinilala ang drayber ng Nmax at angkas nito na sina Mario Angelo Ramirez, 45-taong gulang, walang asawa, may trabaho, at residente ng Purok 7 San Fermin, Cauayan City; habang ang angkas naman nito ay si Jobelle Corpuz, 36-taong gulang, binata, at residente naman ng San Francisco, Cauayan City.

Kinilala naman ang suspek na nakabangga na sakay ng Euro Motorcycle na si Rico Reyes, 20-taong gulang, binata, at residente ng Barangay Tagaran, Cauayan City.

Sa naunang imbestigasyon ng pulisya, habang binabagtas umano ng mga biktima sakay ng Yamaha Nmax ang kahabaan ng Roque Street ay nakasalubong aniya nila ang suspek na noo’y nag counterflow o nang-agaw ng linya na dahilan ng kanilang salpukan.

Sa lakas umano ng impak ng banggaan ng dalawang sasakyan ay nagtamo ng ilang malalaking sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang mga biktima na isinugod naman kaagad sa pinakamalapit na pagamutan.

Samantala, nagtamo rin ng minor injury ang drayber ng Euro na idinala rin sa pagamutan upang suriin at kalaunan’y dinala rin sa himpilan ng pulisya para sa imbestigasyon at wastong disposisyon.

Kaugnay nito, posibleng maharap ngayon ang suspek sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Serious Physical Injury.

Facebook Comments