Tumauini, Isabela – Umaasa ang pamunuan ng PNP Tumauini na magiging drug free na ang bayan ng Tumauini, Isabela ngayong taong 2019.
Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan kay Senior Police Officer 3 Nelson Delos Trinos Sr. ng PNP Tumauini, mula sa 46 barangay na sakop ng Tumauini ay naideklara na bilang Drug Free ang dalawampu’t siyam kung saan 18 barangay ang naideklara noong nakaraang taon at 11 barangay ang naideklara sa taong kasalukuyan.
Nakapagtapos narin aniya ng Community Based and Rehabilitation Program (CBRP) ang 178 na tokhang responders mula sa 232 responders sa bayan ng Tumauini at kasalukuyan pa ang proceso ng mga natitira na patuloy ang monitoring ng PNP sa mga ito at wala naman umanong bumabalik sa paggamit o pagtutulak ng droga.
Sinabi pa ni SPO3 Delos Trinos na nagkaroon ng magandang pagtugon ang lahat ng tokhang responders sa kanilang nasasakupan kaya’t naging maganda ang resulta ng kampaya sa pagsugpo ng iligal na droga.
Kaugnay nito ay puspusan pa rin anya ang kanilang pagsasagawa ng Anti-Illegal Drug Operation at mas lalo pa nilang dodoblehin ang kanilang pagsisikap upang malinis na sa droga ang natitira pang mga barangay na sakop ng naturang bayan.