Bayanihan 3 Bill, hindi pa tiyak kung agad na maaaprubahan sa Kongreso

Walang katiyakan ang Kamara kung kailan maisasabatas ang Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3 Bill.

Ayon kay Marikina Represenative Stella Quimbo, maging sila sa Kongreso ay hindi sigurado kung sesertipikahan bilang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang panukalang batas.

Sinabi ng kongresista, na sila sa Kamara ay nagta-trabaho “under the assumption” o pag-iisip na hindi talaga sesertipikahang urgent ng presidente ang panukala.


Sa kabila nito, tiniyak naman ni Quimbo na sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso sa May 17 ay isasagawa nila ang debate sa plenaryo at maaaring makalipas ang ilang linggo ay may posibilidad na maipasa na ito sa ikatlong pagbasa.

Dagdag pa dito, sa Senado ay mayroon na ring bersyon ng Bayanihan 3 at hihintayin na lamang nila ang magiging usad ng panukala sa Mataas na Kapulungan.

Sa bersyon naman ng Kamara, ang Bayanihan 3 ay mayroong P405.6 billion na pondo na magsisilbing lifeline measure para sa mga apektado ng COVID-19 pandemic.

Facebook Comments