Tiniyak ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na hindi masyadong maaapektuhan ang credit standing ng Pilipinas sakaling maaprubahan ang ₱370 billion na Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 3.
Kasunod ito ng anunsyo ng International Monetary Fund (IMF) na mayroong sapat na fiscal space pa ang Pilipinas na maaring gamitin para masuportahan ang recovery ng bansa sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
Mahalaga aniya ang pagkakaroon ng mas marami pang fiscal support partikular na sa vaccination, lalo pa’t hindi kuntento ang kongresista sa sagot ng Department of Health (DOH) sa kung magkano ang kakailanganin na pondo para sa vaccine rollout.
Duda si Salceda sa sagot ng DOH na sapat ang ₱4 billion hanggang ₱5 billion para makapagsagawa ng mega-vaccination, lalo na kapag lumuwag na ang global supply pagkatapos ng buwan ng Hulyo.
Ipinunto ng mambabatas na hindi mura ang gastos sa transportation, storage, personnel costs, at syringes.
Binigyan diin ni Salceda na hindi makakabalik sa normal ang buhay ng lahat hangga’t walang mass vaccination na posible lamang mangyari kung sasapat ang pondo para sa rollout nito.