Hiniling ni Marikina Rep. Stella Quimbo na sertipikahan sanang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang House Bill 8628 o Bayanihan 3.
Kasabay rin nito ang apela ng may-akda ng Bayanihan to Arise as One Act na ikonsidera muna ng mga economic managers ng administrasyon ang Bayanihan 3 bago sabihing hindi ito kakayanin dahil sa kawalan ng mapaghuhugutan ng pondo.
Giit ni Quimbo, mahalaga na maaksyunan agad ang Bayanihan 3 para may pagkakataon pang maisalba ang mga negosyo na nagsara at magsasara pa dahil sa pandemya gayundin ang ayuda para sa mga mahihirap na pamilya at mga manggagawa.
Paliwanag pa ng kongresista, napapanahon ang Bayanihan 3 lalo’t naitala na ang 9.5% contraction o pagsadsad sa Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Tinukoy pa ni Quimbo na ang pondo sa National Treasury noong November 2020 na aabot sa ₱1.6 trilyon ay maaaring gamitin para pondohan naman ang ₱420 bilyon na pondo sa ilalim ng Bayanihan 3.