Ipinunto ni Marikina Representative Stella Quimbo na may mapagkukunan ng pondo sa ilalim ng isinusulong na Bayanihan 3.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Quimbo na batay sa ginawang pag-aaral ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) kamakailan, napag-alaman na mula November 2020 ay mayroon pang cash balance na P1.6 trillion ang National Treasury.
Bukod dito, may total net borrowing din na P2.82 trillion na maaaring paghugutan na pondo ng Bayanihan to Arise As One Act.
Aniya, ang mga halagang ito ay sapat at sobra pa sa hinihinging P420 billion na pondo sa Bayanihan 3.
Sinabi pa ni Quimbo na posibleng ang binabanggit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pondo kaya hindi kailangan ang Bayanihan 3 sa ngayon ay ang COVID-19 response budget na nasa ilalim ng General Appropriations Act of 2021 na nagkakahalaga ng P800 billion.
Ngunit sa pondong ito ay kasama ang P500 billion na Build, Build, Build Program ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bunsod din nito ay hinimok ni Quimbo ang Malakanyang na pag-aralan munang mabuti ang Bayanihan 3 bago ito tuluyang isantabi.
Giit ng kongresista na isa ring ekonomista na kailangang tanggapin at timbangin dito ang mga bagong datos ng mga nawalan ng trabaho at nagsarang negosyo na siyang ginawang batayan para sa ikatlong Bayanihan.