Bayanihan 3, pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara

Nakalusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang Bayanihan 3 o Bayanihan to Arise as One Act.

Sa botong 238 na “yes,” zero “no” at isang “abstain” ay mabilis na inaprubahan sa Mababang Kapulungan ang House Bill 9411.

Nakapaloob sa Bayanihan 3 ang ₱401 billion na alokasyon na hahatiin sa tatlong phase kung saan mangangailangan muna ito ng sertipikasyon mula sa Treasury upang matiyak na may alokasyon ang lifeline package.


Nauna namang sinabi ni Committee on Economic Affairs Chairman Sharon Garin na maaari pa namang ihabol ang certification bago isumite sa lamesa ng Pangulo ang Bayanihan 3.

Nakapaloob sa lifeline package ang ₱1,000 na “Ayuda for all Filipinos” na dalawang beses ibibigay na may pondong ₱216 billion.

Nagpasalamat naman si Speaker Lord Allan Velasco, pangunahing may-akda ng panukala, sa mga kasamahang kongresista dahil sinuportahan ang Bayanihan 3.

“The approval of Bayanihan 3 is historical moment in the legislative process in this chamber as this measure has been co-authored by almost all of its members,” pahayag ni Speaker Lord Allan Velasco.

Makasaysayan aniya ang pagkakaapruba ng Bayanihan 3 dahil ito ay suportado ng mahigit sa 290 na mga kongresista.

Bagama’t pinagtibay na sa Mababang Kapulungan ang Bayanihan 3, hindi naman ito prayoridad ng Senado.

Facebook Comments