BBM, pumalo sa 64% ang voter preference sa pinakahuling survey ng Laylo

Napanatili ni presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang malaking kalamangan sa voter preference bago ang May 9 elections.

Ito’y nang sumampa ang kanyang rating sa 64 percent, ayon sa pinakahuling resulta ng Laylo Research pre-election survey na isinagawa mula April 14 hanggang 20 at nilahukan ng 3,000 respondents.

Sa kaparehong upward trajectories sa mga nakalipas na surveys na isinagawa ng polling firms na Pulse Asia, OCTA Research, Social Weather Stations, at Publicus sa nakalipas na dalawang buwan, posibleng pumalo pa sa 70-percent ang preference level ni Marcos, ayon sa kanyang kampo.


Ipinakita sa latest Laylo Research survey na nadagdagan si Marcos ng 3 percentage points mula sa kanyang March performance na 61 percent, na nagbigay sa kanya ng 43 points na kalamangan sa malayong pumapangalawa sa kanya na si Vice President Leni Robredo na nakakuha lamang ng 21 percent voter preference.

Samantala, dinumog muli ang UniTeam nina Marcos at running mate nito na si Inday Sara Duterte sa Cagayan de Oro, Martes ng gabi, na nagresulta sa panibagong grand rally na dinaluhan ng libo-libong mga tagasuporta.

Facebook Comments