Pormal nang inendorso ng Nacionalista Party (NP) ang kanilang suporta sa kandidatura nina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang pangulo at Davao City Mayor Inday Sara Duterte bilang bise presidente sa May 2022 elections.
Sa statement na nilagdaan ni NP President Manny Villar, sinuportahan ng partido ang tambalan nina BBM at Inday Sara base sa kanilang kuwalipikasyon at pagsusulong ng pagkakaisa para sa ikauunlad ng bansa.
“We believe that Bongbong and Inday Sara’s message of unity is crucial in binding our country together and inspiring our people as we rebuild not only from the pandemic but also from the political chasm that divides us. They both have the platforms of government, qualifications and track record to lead our country toward unity and prosperity,” saad ni dating Senate President Villar.
Inilunsad ni BBM ang kanyang kandidatura na may mensahe ng pagkakaisa, sa paniniwalang ito ang unang hakbang upang malagpasan ang krisis na dulot ng pandemya.
Samantala, inihayag naman ni Mayor Sara na mas madaling makamtan ang pagkakaisa kung pantay-pantay ang magiging pagtingin at trato ng bawat isa.
Hinimok din nito ang kanilang mga supporters na isulong ang positibong pangangampanya.
Sa pag-endorso ng Nacionalista Party sa BBM-Sara tandem, nadagdagan ang lakas ng UniTeam sa pangangampanya, bukod pa sa mga tinanggap nilang suporta mula sa iba’t ibang partido politikal, mga personalidad, at mga organisasyon mula sa iba’t ibang sektor.