Nangako sina Presidential Aspirant Bongbong Marcos at Mayor Sara Duterte-Carpio na palalakasin nila ang sports program at iba pang produktibong aktibidad kung mananalo ang kanilang tandem sa 2022.
Kasunod ito ng ulat ng Save the Children Philippines na may 1.8 milyong kabataan sa Mindanao ang lubhang naapektuhan ng armadong labanan sa rehiyon.
Ayon kay Marcos, naniniwala siya na ang rehiyon ay maaaring maging isang mayamang mapagkukunan ng mga world-class na atleta gaya nina weightlifter Hidilyn Diaz at mga boksingero na sina Nesthy Petecio, Carlo Paalam, at Eumir Marcial.
Aniya, bukod sa mga programang pangkapayapaan at kaayusan, dapat ding maglunsad ang pamahalaan ng mga proyekto para sa mga kabataan upang matulungan silang ituon ang kanilang atensyon sa mga nakabubuting aktibidad.
Dahil dito, tiniyak ng BBM-Sara UniTeam na lilikha ito ng isang super body na eksklusibong nakatuon sa pagpapalakas ng grassroots sports programs sa Mindanao at ang pagtatayo ng mga sports facility tulad ng basketball court, soccer fields at gymnasium.