Beautician, Arestado sa Pagbebenta ng Droga

Cauayan City, Isabela- Bumagsak sa kamay ng mga alagad ng batas ang isang beautician matapos magpositibo sa ikinasang drug buybust operation ng pulisya kagabi sa Brgy. Fermeldy, Tumauini, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Jomar Marayag, 42 taong gulang, walang asawa at residente ng brgy. Moldero, Tumauini, Isabela.

Sa ibinahaging impormasyon ni PMaj Rolando Gatan, hepe ng PNP Tumauini, nagsanib pwersa ang Drug Enforcement Unit ng nasabing himpilan at Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) upang isagawa ang buybust operation laban sa suspek at matagumpay namang nahuli ang suspek.


Dito ay nabentahan ng suspek ng isang (1) sachet ng hinihinalang shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur buyer kapalit ang halagang Php2,000.00.

Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang ginamit na buybust money at isang (1) unit ng cellphone.

Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments