Beep Cards, dapat gawing libre, ayon kay Pangulong Duterte

Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte na gawing libre sa mga pasahero ang stored value cards na “Beep Cards” para maibsan ang kanilang pinapasan sa harap ng COVID-19 pandemic.

Sa kaniyang public address, kakausapin ni Pangulong Duterte si Transportation Secretary Arthur Tugade hinggil dito.

Dagdag na ni Pangulong Duterte, maaaring sagutin ng pamahalaan ang libreng pamamahagi ng Beep Cards, lalo na at bilyu-bilyong piso ang nawawala dahil sa korapsyon.


“We are not prepared for this card. Kaya ‘yang card na ‘yan, card lang naman ‘yan, ibigay na yan libre,” sabi ng Pangulo.

Ikinalulungkot ng Pangulo na malaman sa mga balita na maraming pasahero ang hindi makasakay sa EDSA Busway dahil hindi nila kayang bumili ng Beep Card lalo na kung eksakto lamang ang dala nilang pera para sa pamasahe at pagkain kada araw.

Dagdag pa ng Pangulo, karamihan sa mga tao ay hindi alam ang mandatory na paggamit ng Beep Cards dahil sa maling medium ang ginamit ng Department of Transportation (DOTr) sa pag-aabiso.

Ayon sa Pangulo, nag-anunsyo ang DOTr mula sa mga himpilan ng radyo at diyaryo na nasa wikang Ingles.

“Ang problema nitong lecheng ito is you only published it in newspapers and even radios na puro English. If at all, there is a time dedicated for the vernacular,” sabi ng Pangulo.

“May mga taong hindi nakikinig sa radyo, lalo na sa mahihirap. Ano ba sa kanila ‘yan? ‘What is it in government that really concerns us, that really bleeds their hearts for us?” dagdag pa ng Pangulo.

Dapat aniya inasahan ng DOTr na sa pagpapatupad ng mandatory na paggamit ng Beep Cards ay hindi lahat ng pasahero ang mayroong ekstrang pera para makabili nito.

“If that is how it is being implemented–hurriedly–or it’s a public interest that it be implemented kaagad, make provisions for these people. Those who have not heard, those who will never hear it, and those who really have nothing in life,” ani Pangulong Duterte.

Matatandaang sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang mandatory na paggamit ng Beep Cards sa EDSA Bus Way matapos tumanggi ang AF Payments Inc. na sagutin ang 80 pesos na halaga ng cards.

Facebook Comments