Bela Padilla, nagsampa ng kaso laban sa lalaking nagpumilit umakyat sa kanyang condo

1087
(Bela Padilla Instagram)

Isang lalaki ang inireklamo ng aktres na si Bela Padilla matapos umano itong magpumilit umakyat sa kanyang condo unit sa Mandaluyong City noong Huwebes.

Ayon sa aktres, nagtungo ang lalaki sa condo at nagtangka raw siyang akyatin sa kanyang unit.


Hindi raw ito mapaalis ng guard kahit pa makailang ulit nang pinakiusapan na umabot na sa 30 minuto.

May barangay na rin daw na nagtungo sa lugar ngunit hindi pa rin natitinag ang naturang lalaki.

Ilang saglit pa ay napag-alamang may kasama itong dalawa pang lalaki sa sasakyan nang hingan ng ID ng security supervisor ng condo.

Nagpakita raw ito ng litrato kaya hindi maikakailang fan ito ng aktres.

Noong una ay nagpakilalang kaklase ni Bela sa Davao ang lalaki hanggang sa nagsabi raw itong nobyo siya ng aktres.




Ayon kay Bela, walang katotohanan ang mga sinasabi nito dahil hindi naman daw siya nag-aral sa Davao at hindi niya raw alam ang pagkakakilanlan ng lalaki.

Samantala, para masiguro ang kanyang kaligtasan, agad ipina-blotter ng aktres ang lalaki sa Mandaluyong City Police.

Sinampahan niya rin ito ng kasong unjust vexation at binalaang huwag nang magtutungo sa kanyang bahay.

Naniniwala naman si Bela na matagal na siyang minamanmanan ng nasabing stalker.

Facebook Comments