Benepisyo para sa health frontliners, magpapatuloy kahit ma-expire ang Bayanihan 2

Tiniyak ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na kahit nag-expire na nitong June 30 ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 ay mananatiling epektibo ang ibang probisyon nito.

Paliwanag ni Angara, kasama rito ang benepisyo sa mga health worker tulad ng special risk allowance; actual hazard duty, gayundin ang pagbibigay sa kanila ng life insurance, accommodation, transportation, at pagkain.

Ayon kay Angara, magpapatuloy rin ang kompensasyon na 15,000 pesos kapag ang health worker ay nagkaroon ng moderate o mild na COVID-19 at 100,000 pesos kapag severe o malubha ang naging kondisyon nito at 1 million pesos kapag nasawi dahil sa virus.


Diin ni Angara, hindi natatapos sa expiration ng Bayanihan 2 ang laban sa COVID-19 at sa mga variant nito kaya tuloy pa rin ang benepisyo sa health workers hanggat hindi inaalis ang state of national emergency na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bukod dito ay sinabi ni Angara na patuloy ring iiral ang utos ng batas na i-wave ang lahat ng permit, lisensya pati clearance and registration requirements para sa flagship infrastructure projects hanggang September 2021.

Ang nabanggit na polisiya ay ipatutupad naman hanggang June 2022 para sa mga private projects na mahalaga sa bansa at maaring magbigay ng mga trabaho.

Dagdag ni Angara, kasama rin sa mga probisyong mananatiling epektibo ang hindi muna pagpapatupad ng phase out ng jeep o anumang Public Utility Vehicle (PUV) hanggang nasa transition ang bansa patungong new normal.

Facebook Comments