Benepisyong laan para sa mga nurses sa Pilipinas, hirap pa ring makuha ayon sa Philippine Nurses Association

Umapela sa gobyerno ang Philippine Nurses Association (PNA) kaugnay sa natatanggap na benepisyo ng mga nurses sa bansa.

Kasunod ito ng pinalawig pang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR plus bubble at pagtaas ng bed capacity sa mga ospital na okupado ng mga pasyenteng mayroong COVID-19.

Sa interview ng RMN Manila kay PNA President Melbert Reyes, kabilang dapat sa mga makukuha ng mga nurses ay ang; COVID-19 hazard pay na mas mataas sa magna carta hazard pay, Special Risk Allowance (SRA) at compensation benefits kung nahawa sa COVID-19 at nakaranas ng mild to severe symptoms.


Pero paliwanag ni Reyes, marami sa mga nurses ang bigong makuha ang SRA dahil sa ilang kadahilanan.

Nagiging problema rin ang pagkuha ng compensation benefits dahil umiiral ang isang saligang batas, kung saan kinakategorya ang pagbibigay pondo dahil kailangang nasa State of Emergency at ECQ ang Pilipinas bago makakuha ng benepisyo ang mga nurses.

Sa ngayon batay sa tala ng Department of Health (DOH), dumoble pa ng dalawang beses ang bilang ng mga doktor na nahawaan ng COVID-19 sa bansa.

Mula ito noong February 28 hanggang March 27 kung saan umabot na sa 205 ang mga doktor na nahawaan ng sakit mula lamang sa 49 na dating bilang.

Umabot naman sa 654 ang panibagong bilang ng mga COVID infections sa mga health worker na siyang pinakamataas na naitalang bilang sa loob lamang ng dalawang linggo mula nitong November 2020.

Sa ngayon, hanggang nitong ika-3 ng Abril umabot na sa; 5,812 nurses ang nahawaan ng COVID-19; 2,629 ang Physicians at 1,195 ang nursing assistants mula sa kabuuang 1.8 milyong health workers sa bansa.

Facebook Comments