Benham Rise, tutukan kumpara sa impeachment complaints

Manila, Philippines – Nadadagdagan pa ang bilang ng mga kongresista na humihimok na ibasura ang mga reklamong pagpapatalsik laban kina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo.

 

Ayon kay Buhay PL Rep. Lito Atienza, sa halip na impeachment, ang isyu ng Benham Rise ang dapat na bigyang pansin ng Kongreso at ng pamahalaan.

 

Sinabi ni Atienza na hindi lamang ang problema sa iligal na droga at hindi lamang ang Panatag Shoal ang dapat na dinedepensahan kundi pati na ang Benham Rise na nanganganib nang pasukin at angkinin din ng China.

 

Mali aniya ang naging pahayag ng Pangulo na walang magagawa sakaling magkagiyera sa pagitan ng China at Pilipinas dahil tungkulin at mandato ng isang lider na ilaban ang karapatan nito sa teritoryo.

 

Tiniyak naman ni Atienza na kahit tutol siya sa ilang kalakaran ni Duterte tulad ng war on drugs nito, ay susuporta siya sa pagtatanggol nito sa teritoryo ng bansa.

 

Kung tututok lamang sa mga impeachment complaint, dagdag ni Atienza, posibleng sumapit na ang 2019 ay hindi pa natatapos ang debate tungkol dito.



Facebook Comments