Pormal nang nagbitiw sa pwesto si Benhur Abalos bilang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito’y dahil siya ang magiging national campaign manager ni dating senador at presidential aspirant Bongbong Marcos sa 2022 elections.
Ayon kay Abalos, ipinadala na niya ang kaniyang resignation letter kay Pangulong Rodrigo Duterte para pagtuunan niya ng pansin ang bagong trabaho sa partido ni Marcos.
Matatandaan na si Abalos rin ang tumayong campaign manager ni Marcos nang tumakbo ito bilang vice president noong 2016 elections.
Nagpasalamat naman siya sa tiwalang ibinigay sa kaniya ni Pangulong Duterte gayundin sa mga opisyal ng Local Government Units kung saan naupo siya bilang pinuno ng MMDA noong January 2021 matapos pumanaw si Chairman Danilo Lim.
Umaasa si Abalos na ipagpapatuloy ng papalit sa kaniyang pwesto ang mga programang sinimulan niya sa MMDA partikular ang laban kontra COVID-19.
Ang pagbibitiw ni Abalos sa pwesto ay kaniyang inanunsiyo isang araw bago ang official campaign period para sa national candidates.