Hindi nga naman kumpleto ang Undas kung walang deremen, isang uri ng malagkit na bigas na paboritong ginagawang kakanin ng mga Pangasinense tuwing panahon ng paggunita sa mga yumao.
Ang deremen, na kilala rin bilang dudumen, ay tradisyunal na niluluto para gawing inlubi o black rice cake gamit ang malagkit na bigas, gata ng niyog, at asukal.
Madalas itong nilalagyan ng latik o murang niyog sa ibabaw upang mas lumasa at bumango.
Ayon sa mga tindera sa pamilihan ng Calasiao, tumataas ang demand sa deremen tuwing papalapit ang Araw ng mga Patay.
Mabibili ito nang hindi pa luto sa halagang ₱35 kada litse o ₱50 naman ang isang styro pack kapag luto na, kasama ng iba pang kakanin gaya ng suman, latik, bibingka, at puto.
Higit pa sa pagiging pagkain, ang deremen ay itinuturing na tulay sa pagkakadikit ng mga pamilya, patay man o buhay, at isang tradisyong nagpapatibay ng ugnayan at pagkakaisa.
Umaasa naman ang mga magtitinda na lalo pang tataas ang benta habang papalapit ang Undas ngayong taon.









