Cauayan City, Isabela- Naging matumal ang bentahan ng karne ng baboy sa Lungsod ng Cauayan dahil sa kaso ng African Swine Fever (ASF).
Sa nakalap na impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, mangilan-ngilan na lamang ang mga bumibili ng karne ng baboy ngayon partikular sa public market ng Lungsod ng Cauayan.
Dahil dito, bumaba ang presyo ng karne ng baboy sa P180 sa kada isang kilo mula sa dating presyo nito na P200 hanggang P220.
Patok ngayon sa ilang mamimili ang pagbili na lamang ng karne ng manok at isda.
Wala namang naitalang paggalaw sa presyo ng manok at isda sa kabila ng banta ng ASF.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng City Veterinary Office na ligtas sa ASF ang mga kinakatay na baboy sa slaughter house dahil inoobserbahan muna ang mga ito ng 24 oras bago ipasok at katayin ng mga partidor.
Mayroon din kaukulang sertipikasyon mula sa barangay ang mga tinatanggap na baboy upang matiyak na malinis at negatibo ang kakataying baboy sa ASF.