Bentahan ng Karneng Baboy sa Lungsod ng Cauayan, Tumumal!

Cauayan City, Isabela- Hindi napigilan ng mga nagtitinda ng karne ng baboy sa Lungsod ng Cauayan na magpahayag ng kanilang saloobin hinggil sa epekto ng African Swine Fever (ASF).

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Crisanto Apostol, meat vendor sa Lungsod, malaki aniya ang naging epekto ng ASF outbreak sa kanilang benta at kita dahil na rin sa takot ng mga mamimili.

Aniya, naging dalawa o isang baboy na lamang ang kanilang kinakatay sa loob ng isang araw mula sa dating apat (4) na baboy.


Dumadaan naman aniya sa tamang proseso ang kanilang pagkakatay ng baboy at tiniyak nito na malinis ang kanilang ibinebentang karne.

Sa ngayon ay nasa halagang 180 hanggang 190 pesos ang kada kilo ng karne ng baboy at minsan ay mas mababa pa umano sa naturang bayad.

Nanawagan naman si Ginoong Apostol sa mga mamimili na huwag matakot bumili ng karne ng baboy dahil ligtas aniya ang mga ito base na rin sa pagsusuri ng City Veterinary Office.

Magugunita na nagpositibo sa ASF ang ilang mga alagang baboy sa bayan ng Aurora, Cordon, Gamu, Jones, Mallig, Quezon, Quirino, Roxas at San Manuel.

Facebook Comments