BENTAHAN NG LPG SA ILANG KUMPANYA SA CAUAYAN CITY, MATUMAL

Kasabay ng pagtaas presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa mga kumpanya ng LPG ngayong buwan ng Nobyembre 2022 ay naging matumal naman ang kanilang bentahan.

Ayon sa ating nakapanayam na owner ng Solane Gas dito sa Lungsod ng Cauayan, kakaunti lamang ang mga bumibili ng LPG ngayon dahil na rin sa mahal na presyo nito.

Idagdag pa aniya ang pagtaas-presyo rin ng mga pangunahing bilihin at mahal na presyo ng mga produktong petrolyo.

Sa kasalukuyan ang presyuhan ng 11 kgs na Solane LPG ay naging P963 na mula sa dating P924; ang 22 kgs naman ay tumaas sa P1,926 mula sa dating P1,848 habang ang 50 kgs naman ay tumaas sa P4,970 mula sa dating P4,792.

Sa Petron Gasul naman, ang 11kgs ay nagtaas rin sa presyong P930.00 mula sa dating presyo nito na P892 noong Oktubre.

Ang Fiesta Gas na 11 kgs ay nasa P915 mula sa dating presyo na P877; ang 2.7 kgs ay umakyat naman sa P295 mula sa dating presyo na P285.

Tumaas naman sa presyong P4,185 mula sa dating P4,010 ang 50kgs ng Petron gas.

Kapag kasama naman ang tangke ng LPG halimbawa nalang ang 11 kgs na Petron Gasul ay aabot sa presyong P3,130.

Samantala, ayon sa dalawang kumpanya ng LPG, ang pagtaas ng presyo ngayong buwan ay dahil sa tumataas na presyo ng international contract bilang pangunahing naka-angkla sa presyo ng kontrata ng Saudi Aramco, na itinuturing na benchmark para sa mga merkado ng LPG sa Asya.

Kaugnay nito, inaasahan pa umano sa mga susunod na buwan ang pagtaas presyo ng nasabing gamit pangluto pero depende pa rin umano ito sa demand ng LPG sa bansa.

Facebook Comments