CAUAYAN CITY- Bagama’t ilang araw na lamang bago ang kapaskuhan ay nananatiling matumal ang bentahan ng mga paputok sa Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng IFM News Team kay Mang Jerry, dati-rati ay dagsaan na ang mga mamimili sa kanila kapag ganitong petsa ngunit sa ngayon ay napakatumal ang kanilang bentahan kung saan nasa limang libo kada araw lamang ang kanilang nabebenta.
Aniya, madalas na hinahanap na mga mamimili ay ang mga ipinagbabawal at iligal na paputok.
Pinakamabili sa ngayon ang mga kwitis na nagkakahalaga ng 125 pesos kung saan ito ang isa sa pinakamura nilang binebenta sa merkado.
Ipinahayag din ni Mang Jerry ang kanyang pangamba sa mga nagbebenta ng ilegal na paputok sa lungsod, dahil maaari silang pagbintangan kung sakaling magkaroon ng insidente kaugnay nito.
Sa kabila ng mabagal na takbo ng negosyo, umaasa si Mang Jerry na dadami ang mga mamimili sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon upang mapataas ang kanilang kita.