Bentahan ng Paputok sa Cauayan City, Matumal; Presyo, Bahagyang Tumaas

Cauayan City, Isabela- Matumal pa rin ang bentahan ng mga paputok sa Cauayan City, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Ricardo Gonzales, firecracker vendor, paunti-unti pa rin aniya ang mga bumibili ngayon ng paputok di gaya noong mga nakaraang taon.

Bagamat lumuluwag na ang Quarantine restrictions ay hirap pa rin aniya silang makabenta dahil na rin sa kanilang paglipat ng pwesto sa bagong firecracker zone area sa Lungsod sa Cabaruan National Highway mula sa kanilang dating pwesto sa gilid ng National Highway, San Fermin, Cauayan City.


Umaasa naman si Ginoong Gonzales na makakabawi sila sa susunod na Linggo para sa pagsalubong sa bagong taon.

Samantala, sa panayam naman ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Edwin Asis, Cauayan City Economic Enterprises Management and Development Officer, may pagtaas aniya ngayon sa presyo ng ilang paputok gaya na lamang ng Kwitis.

Ang isang piraso ng ordinaryong Kwitis ay mabibili na ngayon sa presyong P10.00 mula sa dating presyo na P5.00.

Tumaas din ang presyo ng special Kwitis sa P15.00 mula sa dating presyo nito na P10.00.

Ayon pa kay Ginoong Asis, nasa 21 na mga firecracker vendors na ngayon ang bilang ng mga nagtitinda ng mga paputok, mas marami aniya kaysa noong nakaraang taon.

Nakatitiyak naman si Ginoong Asis na ligtas at walang illegal na paputok sa kanilang mga ibinebenta dahil otorisado aniya lahat ng mga nagtitinda at nasuri na rin ng BFP Cauayan City at DTI Isabela ang lahat ng mga tinitindang firecrackers.

Sa ginawang monitoring at inspeksyon naman ng mga nasabing ahensya, walang nakita at nakumpiska sa mga ipinagbabawal na paputok.

Facebook Comments