Bentahan ng Paputok sa Lungsod ng Cauayan, Matumal

Cauayan City, Isabela- Matumal pa sa kasalukuyan ang bentahan ng mga paputok sa Lungsod ng Cauayan subalit inaasahan mamayang hapon ay dadami na ang mga bibili para sa pagsalubong sa bagong taon.

Ayon sa isang fireworks vendor, kanyang sinabi na pa isa-isang tao pa lamang ang kanilang nabebentahan ngayong araw na malayong-malayo sa dami ng mga bumibili noong nakaraang taon.

Ramdam din ani vendor ang matinding epekto ng pandemya sa kasalukuyan lalo na sa kanilang pangkabuhayan.


Dahil dito, pinili na lamang aniya nilang ibenta ang mga paputok na abot kaya ng mga mamimili gaya ng Kwitis.

Sa kasalukuyan ay nasa pitong (7) fireworks vendor na lamang ang nagtitinda sa designated area sa Lungsod partikular sa barangay District 1 mula sa dating 32 vendors noong nakaraang taon.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng BFP Cauayan City na ligtas ang mga panindang paputok ng mga vendors dahil dumaan na ang mga ito sa mahigpit na inspeksyon upang matiyak na walang makalusot na illegal fireworks.

Muli namang ipinapaalala ng mga bumbero at pulis na kung maaari ay iwasan na lamang ang paggamit ng paputok bagkus ay gumamit na lamang ng mga alternatibong pampaingay para sa pagsalubong sa taong 2021.

Facebook Comments