Saturday, April 4, 2026

BENTAHAN NG SHELLFISH SA LABRADOR, BAHAGYANG TUMUMAL KASUNOD NG RED TIDE TOXIN ALERT SA ANDA AT BOLINAO, PANGASINAN

Bahagyang nakaranas ng pagtumal ng bentahan ang ilang manlalako ng shellfish products sa bayan ng Labrador, Pangasinan kasunod ng pagpositibo sa red tide toxin ng ilang baybayin sa lalawigan.

Matatandaan sa mga anunsyo ng BFAR Region 1 mula Enero hanggang ikalawang linggo ng Pebrero ngayong taon ay iniulat na nagpositibo sa red tide toxin ang lahat ng uri ng shellfish at Acetes sp. o alamang mula sa baybayin ng mga bayan ng Anda at Bolinao.

Dahil dito, aminado ang ilang manlalako, gaya ni Aling Baby na bahagya silang nakaranas ng pagbaba ng bentahan.

Dagdag pa niya, may mga mamimiling nag-aaalangang bumili ng kanyang bentang talaba dahil sa pangamba dulot ng naturang banta.

Bagama’t hindi kabilang ang bayan ng Labrador sa mga lugar na apektado ng red tide toxin, ramdam pa rin umano ng mga tindera ang pag-iingat ng publiko.

Sa kabila nito, tiniyak naman ng mga nagtitinda na hindi sila nagtaas ng presyo at nananatiling abot-kaya ang kanilang paninda.

Ayon naman kay Aling Bening, isa ring manlalako, upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang produkto, kumukuha sila ng Barangay Certification bilang patunay na ang kanilang mga itinitinda ay malinis at ligtas kainin.

Sa kasalukuyan, nananatili sa dating presyo ang ilang shellfish tulad na lamang ng talaba na nagkakahalaga ng ₱300 kada large size can, ₱200 sa medium, at ₱100 naman sa small.

Samantala, inanunsyo ng BFAR Region 1 noong Sabado, Pebrero 21, na ligtas na muli mula sa banta ng red tide toxin ang mga shellfish mula sa mga baybayin ng Pangasinan at maging sa lalawigan ng La Union, kaya maaari na itong kainin ng publiko.

Facebook Comments