
Nagsagawa ng inspeksiyon ang Office for Transportation Security (OTS) sa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong araw.
Layunin nitong tiyakin ang seguridad ng mga commuter na uuwi sa kani-kanilang mga probinsiya upang gunitain ang Semana Santa.
Ayon kay OTS Administrator Undersecretary Gilbert Cruz, wala namang nakitang problema o aberya sa mga ipinatupad na security measures para sa mga pasaherong dadaan sa NAIA.
Gayunman, sinabi niyang may mga nahuhuli pa ring may dalang basyo ng bala at mismong bala.
Mula nang magsimula ang Holy Week, kabilang ang Palm Sunday, mahigit 200 bala na ang nakumpiska sa lahat ng paliparan sa buong bansa.
Nauna nang sinabi ng OTS na patuloy silang nakabantay upang matiyak ang seguridad ng mga pasahero, lalo na ngayong mga araw na inaasahang peak ng mga uuwi sa probinsiya.










