
Ilulunsad na ngayong September 5 ang ika-pitong launching ng “Benteng Bigas Meron Na” Program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Occidental Mindoro.
Sa panayam kay Provincial Agriculture Chief Engr. Alriza Zubiri, sinabi nito na napagkaisan sa kanilang pulong ng Magsaysay Agriculture and Fishery Council na gagawin ito sa lalong madaling panahon matapos ipaliwanag nito ang P20/kilo rice program ng Pangulo sa mga kooperatiba ng nasabing council.
Ayon pa kay Zubiri, tuloy-tuloy na ang P20/kilo rice program sa mga bayan ng San Jose, Mamburao, Sablayan, Calintaan, Rizal , Santa Cruz at ngayon, kasama na rin ang bayan ng Magsaysay.
Nakatakda na rin si Zubiri na makipagpulong sa natitira pang bayan tulad ng Abra de Ilog, Paluan, Looc, at Lubang.
Ang nasabing P20/kilo rice program ay nakatuon sa mga vulnerable sectors na puwedeng maka-avail ng 10-30 kilo ng bigas kada buwan.
Nilinaw rin nito na may P20/kilo rice program para sa sektor ng magsasaka at ito umano ay sinimulan na ng National Food Authority.
Sa Agosto 29 naman ilulunsad ang P20 para sa sektor ng mangingisda.
Ayon naman kay Ma. Luisa Jimena, tagapangulo ng Nicolas Magsaysay Irrigators Association (NMIA), bagaman wala silang tubo sa pagbebenta ng P20/kilo na bigas, malaking tulong naman aniya ito sa kanilang mahihirap na mamamayan ng bayan ng Magsaysay.









