Inihain na ni Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies Chairman Senator Mark Villar ang bersyon ng Senado ng Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Tulad sa bersyon ng Kamara, ang pondo na gagamitin sa investment ay manggagaling sa Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP) at ilang piling government financial institutions (GFIs) kasama na rito ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Taliwas ito sa panibagong isinusulong ng mga kongresista ng Kamara na kunin na lamang ang source ng funding sa dividends ng mga government-owned and controlled-corporation (GOCC) at sa initial public offering (IPO).
Nakasaad sa panukala na ang inisyal na kapital ay manggagaling sa LBP na P50 billion at DBP na P25 billion.
Bubuo rin ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na siyang mangangasiwa at magpapalago sa pondo gayundin ng Joint Congressional Oversight Committee na siyang magmo-monitor at mag-e-evaluate sa pagpapatupad ng Maharlika Fund.
Sa distribusyon ng kita ng MIC, 25% dito ay gagamitin para sa poverty at subsistence subsidies ng mga pamilya na nasa below poverty threshold ng Philippine Statistics Authority (PSA).
May katapat namang parusa ang mga mapapatunayang mang-aabuso sa Maharlika Investment Fund (MIF).