In-adopt na ng Kamara sa bicameral conference committee meeting ang bersyon ng Senado sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Tumagal lamang ng 20 minuto ang ginanap na pulong sa bicam sa Manila Golf and Country Club sa Makati.
Sa bicam ay nagmosyon si Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Cong. Irwin Tieng, Chairman ng panel ng Kamara na tinatanggap nila ‘in principle subject to style’ ang bersyon ng Mataas na Kapulungan sa panukalang Maharlika Investment Fund.
Dahil tinanggap na ng Kamara ang kabuuang bersyon ng panukalang MIF ng Senado ay iaanunsyo sa sesyon ngayon ang pag-adopt dito ng Mababang Kapulungan at kapag naratipikahan ay diretso na ito sa lamesa ng tanggapan ng pangulo para malagdaan.
Sa bicam kanina ay parehong dumating sina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez para saksihan ang bicam meeting.
Samantala, bago magsimula ang bicam kanina ay kumpyansang sinabi ni Banks and Financial Institutions Committee Chairman Senator Mark Villar, Chairman ng Senate contingent sa bicam na may sapat na safeguards na inilagay ang Kongreso para matiyak na bantay sarado at malayong maabuso ang Maharlika Fund.
Inaasahang bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., ay nalagdaan na ang panukala para sa sovereign wealth fund.